Wala raw hindi kayang gawin sa kaniyang trabaho bilang waitress ang isang babae sa Amerika. Pero may isang bagay ang hindi niya kayang gawin para sa mga kostumer--ang magsilbi ng ketchup.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing nag-viral sa TikTok ang kuwento ng 18-anyos na waitress na si Charlie Everett, dahil sa kaniyang matinding takot at pandidiri sa ketchup.
Maamoy pa lang daw niya ang ketchup, nasusuka na siya. At kapag inalis sa bote ang ketchup, hindi niya na alam ang gagawin.
"When I look at ketchup, I just feel so incomfortable, so disgusted. It almost feels as if they want to come and eat me and they want to hurt me," ani Charlie.
"I do not want to touch it, I do not want to be near it. I just want it away. If these ketchup are open, I would not be in this room," patuloy ni Charlie habang nagkukuwento na may bote ng ketchup sa kaniyang tabi.
Nang minsan na natalsikan ng ketchup ang sapatos ni Charlie, nag-iiyak siya at nag-breakdown.
Hindi raw alam ni Charlie kung bakit ganoon ang pagtingin niya sa ketchup gayung paborito naman daw ng kaniyang ina ang naturang sawsawan.
At kapag gumagamit ng ketchup ang kaniyang ina sa kanilang bahay, pakiramdam niya ay magkakasakit siya.
Kaya kapag nagpunta si Charlie sa grocery, iniiwasan niya ang lugar kung saan nakapuwesto ang mga ketchup.
Bukod sa ketchup, may phobia rin si Charlie sa mga taong nagsusuka na tinatawag na emetophobia.
Ayon kay Charlie, may mga taong kalokohan lang ang tingin ng iba sa phobia niya sa ketchup.
"A lot of people think that my phobia is just stupid because it is just a little bit of ketchup, it is just a sauce. To me, it is not stupid. I think my phobia is very valid because look at it, it is gross," giit niya.--FRJ, GMA Integrated News