Makatitipid sa mga bilihin ang guests at abay sa isang kasal dahil sa halip na mga kagamitan, mga pulang sibuyas ang ipinang-souvenir sa kanila ng isang couple sa Iloilo City.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, na iniulat din ng GMA News Feed, makikita ang sangkaterbang sibuyas na ginamit sa bridal bouquet, bouquet ng bridesmaids, at corsage ng groom, groomsmen at mga ninong at ninang sa kasal nina April Lyka Nobis at Erwin Nobis.
"Pagkakita nila sa bouquet ko, 'Wow!' Yayamanin daw ang wedding kasi ang mahal ng kilo ng sibuyas kaya nagulat sila na iyon ang gamit namin instead ng nakasanayang flowers," sabi ni April.
Hindi raw talaga nila pinlano na gumamit ng sibuyas, hanggang sa makakita si April ng post sa social media ng mga sibuyas na may kasamang bulaklak.
Nang isangguni ito ni April kay Erwin, pumayag si Erwin na mga sibuyas na lang ang kanilang gamitin sa halip na bulaklak na malalanta lamang at itatapon pagkatapos ng event.
"Sa tingin ko okay naman. Nakita ko sa social media na trending ang nagmahal na sibuyas kaya nag-okay na lang ako," sabi ni Erwin.
Sa kabuuan, P15,000 ang nagastos nina April at Erwin sa limang kilo ng sibuyas na nabili nila sa isang online seller. Naihatid ang kanilang order sa umaga ng araw ng kanilang kasal. —VBL, GMA Integrated News