Hindi alintana sa isang shop owner ang peligro matapos siyang makipag-agawan ng kutsilyo sa isang lalaking pumasok ng tindahan at nangompronta ng babaeng customer sa England.
Sa isang video na mapapanood sa GMA News Feed, makikita ang biglang pagpasok ng suspek sa loob ng food shop ni Julius Cools.
Nakapamulsa pa ang lalaki nang komprontahin niya ang isang babaeng customer.
Nang magkainitan na ang lalaki at babaeng customer, namagitan na si Cools, na naka-bonnet na dilaw. Doon na niya rin nalaman ni Cools na may dalang mahabang kutsilyo ang lalaki.
Tinangkang kausapin at paalisin ng shop owner ang lalaki, pero mukhang ayaw nitong magpaawat.
Habang nagpupumiglas ang suspek, nakatiyempo ang babae at kaniyang kasama para lumabas na ng tindahan.
Ilang saglit nanatili sa sulok ang lalaki at may-ari ng shop, hanggang sa nag-agawan na sila ng kutsilyo.
Dito nagawang makuha ni Cools ang armas mula sa lalaki.
Pero imbes na umalis, nakipagtalo pa ang lalaki sa shop owner at ilang beses nagpabalik-balik bago tuluyang lumabas ng shop.
"I don't know where I got the energy from, but I just did. He could have stabbed me, I don't know. It is a good job she came in, otherwise he could have attacked her in the street," sabi ni Cools.
Ini-report ito ni Cools, pero hindi umano dinakip ng mga awtoridad ang lalaki.
Masama ang loob ni Cools, lalo't namatay ang 14-anyos niyang anak sa pananaksak noong 2021.
"I said when my son was killed, nobody ever helped him. I tried to help that little girl... All I was thinking that day was that girl could have died in the same way in my shop," sabi ni Cools.
"I was doing it to protect that girl, she was only 16 or 17, she has her whole life ahead of her," dagdag ni Cools. —LBG, GMA Integrated News