Siguradong parte ng mga kabataan noong 80s ang Voltes V. At ang mga laruang Voltes V na nabili noon, mas mahal na raw ang presyo ngayon kahit ang mga nabili lang sa palengke.
Sa programang "iJuander," ikinuwento ng 47-anyos na toy collector na si Derrick Ko ang pagkahilig niya sa laruang Voltes V.
Ayon kay Derrick, itinayo niya ang kaniyang Retro Toys Museum noong 2000.
Dahil sa hirap ng buhay nila noong bata siya, sinabi ni Derrick na hindi nila kayang bumili ng laruan.
Kaya nang magkatrabaho, ipinangako niya sa sarili na babalikan ang mga laruang kinasabikan niya noon, gaya ng Voltes V.
“Basically, ang kinokolekta ko ay mga vintage toys talaga. Mga 1990s pababa. The earlier the better. So, mga binibili ko mga toys na kinalakihan natin ng bata tayo para sobrang memorable kasi para sa akin ‘yun eh, very nostalgic,” aniya.
Binanggit din ni Derrick na ang presyo ng bawat laruan ay nakadepende sa kondisyon at kung gaano ito kaluma.
“Actually, ‘yung pinakamahal maybe ‘yun nga kung pristine condition, ganyan na lahat-lahat na perfect, aabutin siguro ng milyon [piso and halaga],” dagdag pa niya.
Isa sa kaniyang mga naging customer ang Kapuso comedian na si Michael V, na isa ring certified Voltes V fan.
Ang isang maliit na Voltes V toy na nabili raw sa kaniya ni Michael V, nagkakahalaga ng P15,000 dahil sobrang collectible daw at rare na lumalabas.
Bukod sa mga vintage na Voltes V na robot, mayroon din si Derrick ng iba’t ibang Voltes V merchandise na nabili lang noon sa murang halaga, pero puwede raw maibenta ngayon sa mas mahal na presyo.
Gaya ng isang Voltes V lunchbox na may balot at hindi pa nabubuksan na puwede raw umabot sa P30,000 ang presyo.
Ipinakita rin niya ang isang laruan na nabili lang sa palengke na may plastik pa.
“Ito naman nabili naman sa Divisoria. Tawag nila dito usually, palengke toys. Back in the days I think P150 lang ‘yan pero ngayon nasa P20,000 na, kapag ganu’n na naka-sealed pa,” dagdag pa niya.
Sa ngayon, daan-daan na ang bilang ng koleksyon ni Derrick ng mga laruan. At bilang pasasalamat sa biyayang natanggap, nagregalo siya ng mga laruan sa mga bata sa isang ampunan. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News