Sinimulan na ang paglilitis sa isang babae sa Texas, USA na sangkot sa hindi pangkaraniwan at karumal-dumal na krimen. Ang suspek, ayon sa mga tagausig, sadya umanong pinatay ang kaibigang buntis para makuha ang sanggol at palabasin na siya ang nagluwal upang hindi iwanan ng nobyo.
Sa ulat ng Agence France-Presse, kinilala ang nasasakdal na si Taylor Parker, 29, na maaari umanong mahatulan ng kamatayan kung mapapatunayang nagkasala sa krimen.
Si Parker ang itinuturong sumaksak at pumatay noong Oktubre 2020 sa buntis na si Reagan Simmons-Hancock, 21-anyos, ng New Boston, Texas.
"Binuksan" din umano ni Parker ang biktima para makuha ang sanggol sa sinapupunan nito.
Naghain naman si Parker ng "not guilty" plea sa kasong kinakaharap niya.
Ayon sa mga tagausig, ilang buwan na nagpanggap na buntis si Parker sa kaniyang nobyo. Nagpo-post pa umano ang suspek sa social media tungkol sa pekeng pagbubuntis nito.
Pero hindi na umano maaaring mabuntis si Parker matapos sumailalim sa hysterectomy.
Sabi pa ng kampo ng tagausig, nagpanggap si Parker na buntis dahil natatakot siyang iwan ng kaniyang nobyo.
At noong Oktubre 9, 2020, sinabi ng mga tagausig na pinuntahan umano ni Parker sa bahay si Simmons-Hancock, na nasa huling bahagi na ng pagbubuntis.
Pinagsasaksak umano ni Parker ng mahigit 100 ulit ang biktima. Kinuha umano ng suspek ang sanggol sa sinapupunan ng biktima at isinama sa kaniyang pagtakas.
Habang nagmamaneho, nakakanlong kay Parker ang sanggol nang parahin siya ng mga pulis. Ipinaliwanag umano ng suspek na kapapanganak lang niya.
Isinugod sa ospital ang sanggol pero binawian ng buhay.
Inaasahan na tatagal ng isang buwan ang gagawing paglilitis kay Parker.
Ayon pa sa mga tagausig, bago mangyari ang malagim na krimen, nanood umano si Parker ng mga video ng babaeng nanganganak at mga sumasailalim sa C-sections. —AFP/FRJ, GMA News