Pinangunahan ng isang babaeng "armado" ang kaniyang grupo para salakayin ang isang bangko at ma-withdraw ang nakadeposito niyang pera sa Beirut, Lebanon. Pero ang baril, laruan lang pala at ginawa lamang ito ng babae para sa kapatid niyang maysakit.
Sa isang video sa GMA News Feed, mapapanood ang pagpupumilit na pumasok ng grupong pinangungunahan ni Sali Hafiz sa bangko.
Kinandado ng grupo ang pinto ng bangko habang kino-corner nila ang manager, bago nabuksan ang kinaroroonan ng pera.
Pero kinuha lang nila ang perang nakadeposito sa account ni Hafiz.
Sa panayam sa kaniya, ipinaliwanag ni Hafiz na puwersahan nilang kinuha ang kaniyang pera dahil ayaw umano itong ibigay sa kaniya ng bangko.
Matindi ang pangangailangan ni Hafiz sa pera para sa pagpapagamot ng kapatid niya na may cancer.
"I have nothing more to lose, I got to the end of the road. Two days ago, I went to the branch manager and begged him, told him my sister is dying. She doesn't have time. After giving me a hard time, he finally said he can give us 200 USD a month at [the rate of] 12 million Lebanese pound. That will be 2,400,000 Lebanese pound which is not even the price of an injection that my sister needs to take daily," sabi ni Hafiz.
"It is a shame to say this, but I got to a point where I was going to sell my kidney so that my sister could receive treatment, because what is the point of my life if I see her dying in front of my eyes without me doing anything," dagdag pa niya.
Nagkakahalaga ng $13,000 o katumbas ng mahigit P740,000 ang pera ni Hafiz sa bangko.
Pero sinabi rin kalaunan ni Hafiz na laruang baril lang ang gamit niya at wala siyang intensyong pagnakawan ang bangko o manakit ng mga empleyado.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang security services ng Lebanon hinggil sa insidente.
Matatandaang tatlong taon nang lubog sa financial crisis ang Lebanon at maraming bangko ang hindi na makapaglabas ng savings ng depositors.
Dahil dito, walang magamit na pera ang maraming residente para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Hirap pa rin umano ang gobyerno sa kasalukuyan na tugunan ang kinahaharap nilang krisis. — VBL, GMA News