Sa edad na 83, naakyat ng isang lolo ang pinakamataas na bundok sa Pilipinas na Mt. Apo, at naabot ang kaniyang pangarap.

Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ng tourism office ng Sta. Cruz, Davao Del Sur na naakyat ni Lolo Pascacio Carcedo ang tuktok ng bundok na may taas na 2,954-meter noong Linggo.

Kabilang sa naging pagsasanay niya sa pag-akyat sa Mt. Apo ay ang pag-akyat sa tatlong kabundukan sa Sta. Cruz.

Nagpasalamat si Carcedo sa tulong at suporta ng mga kasama niyang guide para sa matagumpay na pag-akyat niya sa Mt. Apo.

Sa hiwalay na ulat ng GMA Regional TV "One Mindanao," sinabing bata pa lang ay pangarap na ni Lolo Carcedo na maakyat ang Mt. Apo.

Matapos ang dalawang buwan na preparasyon, naabot na ni Carcedo ang kaniyang pangarap.--FRJ, GMA News