Sinabi ng isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) na karamihan sa 11,000 Pinoy sa Lebanon ang ayaw pang umuwi muna sa Pilipinas sa harap ng pangamba na lumalala ang bakbakan ng grupong Herbollah at Israel. Nagbago rin umano ng isip ang kalahati sa 1,000 Pinoy na nais magpa-repatriate.
Inihayag ito ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Eduardo de Vega sa press conference, sa harap ng panawagan sa mga Pinoy sa Lebanon na samantalahin ang repatriation program ng pamahalaan upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Ayon kay De Vega, naghahanda ang Philippine Embassy sa Lebanon sakaling kailanganin ang mass repatriation kung lulubha ang iringan ng Hezbollah at Israel.
"So far it's not going to happen yet, not right now, partly because the Filipino community and their leaders are still very hesitant to leave. This is a sign that they are still relatively safe in Lebanon," ayon sa opisyal.
Sa ngayon, sinabi ni De Vega na walang Pilipino na nasaktan sa nangyayaring kaguluhan sa Lebanon, partikular sa lugar na malapit sa border ng Israel.
Sa October 10, magpapatuloy ang pagbiyahe ng mga eroplano palabas ng Beirut kaya hinihikayat ni De Vera ang mga Pinoy sa Lebanon na umuwi na muna at samantalahin ang repatriation program.
"We reiterate the call for all Filipinos in Lebanon to avail of the government's voluntary repatriation program when commercial flights become available and while the situation in Beirut in Lebanon is still relatively stable," payo niya.
Ayon kay De Vega, ang mga bago pa lang na nagtatrabaho sa Lebanon ang nagkokonsidera ng repatriation program, habang nais manatili ang mga matagal nang nagtatrabaho roon.
Sinabi rin ng opisyal na maraming Pinoy sa Lebanon ang hindi rin dokumentado sa Department of Migrant Workers (DMW).
"Voluntary repatriation because a lot of Filipinos in Lebanon are not supposed to be there, meaning they entered through third countries [or] in the first place they were not processed with POEA, DMW," paliwanag niya.
Ayon kay De Vera, binabanggit ng mga Pinoy ang karaniwang linya na, "'Mas okay na mamatay sa gera kaysa mamatay sa gutom,'" pagtutol nilang huwag munang umuwi.
Inayunan naman ito ni Philippine Ambassador to Lebanon na si Raymbond Balatbat.
"The mentality is, you know, they rather take their chances here than go home and the old timers, especially the ones who have been through most of the wars here, they say that they had seen it all and they will survive," sabi ni Balatbat, na virtually na dumalo rin sa press conference.
"Of course, there's an element of loyalty to their employers whom they served for 20, 30 years. Marami sa kanila sila ang nagpalaki sa mga anak ng employer nila. There is a sense of loyalty na they are also part of family and they've been guaranteed na kung may mangyari, nagsasama naman sila," dagdag niya.
Kamakailan lang, inihayag ng DFA na nasa 1,000 Pinoy sa Lebanon ang nais magpatulong upang makauwi sa bansa.
Pero sinabi ni Balatbat na kalahati sa mga ito ang nagbago ang isip.
Sa kabila nito at kahit Alert Level 3 ang nakataas sa Lebanon, sinabi ni De Vera, na pang-Alert Level 4 na ang ginagawang operasyon ng Philippine Embassy sa Lebanon para maging handa.
Isasagawa umano ang mass repatriation kapag pumasok ang Israeli soldiers sa Lebanon, ayon kay Balatbat.
"They will only decide to leave when the situation is so bad, when the war is at their doorstep saka sila magpapa-[repatriate]," pahayag ng embahador.
Sakaling magkaroon ng problema, pinayuhan ang mga Pinoy sa Lebanon na tumawag sa Philippine Embassy sa 70- 858-086, at sa Migrant Workers Office sa 79-110-729. —mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News