Aliw na aliw ang mga host ng "It''s Showtime" at ang "madlang pipol" nang ipakilala ang kalahok sa segment na "Kalokalike" na kamukha ni Ate Girl Jackie Gonzaga.

Maging ang suot ni Jackie, katulad ng suot ng contestant na si Jazzie Dela Paz na mula sa Las Piñas.

"Parang pinagbiyak na mangga," komento ni Vice Ganda kina Jackie at Jazzie.

Dahil si Vice ang namamahala sa career ni Jackie, sinabi ni Vhong Navarro na kunin na rin nito si Jazzie para maging pamalit sakaling hindi puwede sa "raket" o trabaho si Jackie.

Umayon na si Jackie na puwede nang mag-proxy sa kaniya si Jazzie.

Ayon kay Jazzie, nalaman niyang kamukha niya si Jackie nang minsan siyang mag-live sa Facebook at marami ang nagkomento na kamukha nga niya si Jackie.

Pasado rin si Jazzie nang ipagawa sa kaniya na gayahin ang mga gagawin o kilos ni Jackie, at sinabihan siya ni Vice na, "Jackieng-jakie."

Pero kung malaki man ang pagkakahawig ni Jazzie sa hitsura ni Jackie, makopya niya rin kaya ang husay sa pagsayaw ni Ate Girl ng "Water?" Panoorin ang video.


--FRJ, GMA Integrated News