Lima ang nasawi at ilan pa ang sugatan sa nangyaring banggaan ng isang pampasaherong bus at isang sports utility vehicle (SUV) sa Majayjay-Lucban Road sa Majayjay, Laguna nitong Linggo ng hapon.
Inihayag ni Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) officer Reyjohn Libato, na nangyari ang sakuna sa hangganan ng Barangays Bakia at Ilayang Banga, ayon sa ulat ni Sam Nielsen sa GMA Super Radyo DZBB.
Unang iniulat na nasawi ang konduktor at tatlong pasahero ng bus. Kasunod nito, iniulat na isa sa mga sugatang pasahero na dinala sa ospital ang pumanaw na rin habang nilalapatan ng lunas.
Nasa 30 pasahero ng bus ang dinala iba't ibang ospital sa Laguna.
????????????????????????: Apat patay, hindi bababa sa 30 pasahero ang isinugod sa mga ospital sa salpukan ng isang SUV at pampasaherong bus sa Majayjay, Laguna. | via @dzbbsamnielsen pic.twitter.com/Ot9NvdJrqC
— DZBB Super Radyo (@dzbb) September 29, 2024
Kasamang dinala sa ospital ang isang bata na sakay ng SUV na nagkaroon umano ng bukol sa ulo dahil sa aksidente.
Pinaniniwalaan na inarkila ang bus para maghatid sa Kamay ni Hesus sa Lucban, Quezon. Habang galing naman sa Majayjay ang SUV at pauwi na sa Atimonan nang mangyari ang trahediya.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad, at nadadaanan na ng mga sasakyan ang daan na pinangyarihan ng sakuna.