Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Rommel Marbil ang bagong pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na si Brigadier General Nicolas Torre III, na muling imbestigahan ang ginawang pagpatay sa dating Board Secretary ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na si Wesley Barayuga noong 2020.
Ginawa ni Marbil ang utos matapos isiwalat ni Police Lieutenant Colonel Santie Mendoza sa imbestigasyon ng Quad Committee sa Kamara de Representantes nitong nakaraang linggo ang nalalaman niya sa ginawang pagpatay kay Barayuga, na isang abogado at retired police general.
Itinuro ni Mendoza sina dating PCSO General Manager Royina Garma at National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo, na nag-utos umano na ipapatay si Barayuga.
Mariing itinanggi nina Garma at Leonardo ang alegasyon sa naturang pagdinig.
Binaril at napatay si Barayuga habang sakay ng pick-up truck sa Mandaluyong City noong July 2020 matapos makaalis sa tanggapan ng PCSO.
Ayon kay Mendoza, ipinapatay si Barayuga dahil sangkot umano ito sa ilegal na droga. Pero sa imbestigasyon ng komite, inihayag ni Antipolo City Rep. Romeo Acop, na maaaring ipinapatay ang dating opisyal ng PCSO dahil tinututulan nito na palawigin ang operasyon ng STL at Perya ng Bayan.
Sa pahayag nitong Linggo, sinabi ni Marbil na dapat siyasatin ang mga impormasyong lumabas sa naturang pagdinig upang malaman ang katotohanan.
“This revelation demands a thorough reinvestigation of the murder. No one is above the law, and we will seek justice for Ret. Gen. Wesley Barayuga and his family with the full resources of the PNP,” ayon sa hepe ng PNP.
“We are committed to uncovering the truth, regardless of the position or power of those involved. The public can rest assured that we will hold those responsible accountable," dagdag niya.
Sa hiwalay na pahayag, nagpasalamat ang mga "mistah" ni Barayuga na produkto ng Philippine Military Academy (PMA) Matikas Class of 1983, sa House Quad Committee, sa isinagawang imbestigasyon sa nangyari sa dating PCSO official.
Bagaman hindi na maibabalik ang buhay ni Barayuga, inihayag sa naturang pahayag na pirmado ni retired Air Force Col. Enrique J. Dela Cruz, na mabibigyan ng katarungan ang sinapit ng kanilang kasamahan.
“Such service and commitment to deliver justice and righteous acts as you do today give us confidence that our nation is indeed represented by wise, courageous and honorable men. It may not bring our dear Wesley back but it is reassuring that there are people in government who are doing their best to bring the perpetrators to justice,” ayon sa pahayag.
Sinabi naman ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, overall chairman ng Quad Committee, na aalamin nila ang pinakadulo sa nangyari kay Barayuga upang mapanagot ang mga taong sangkot sa krimen.
Ayon naman kay Manila Rep. Benny Abante, co-chairman ng QuadComm, napapanahon ang muling pag-imbestiga sa kaso ni Barayuga.
"We're not only having the Quad [Comm] hearing in aid of legislation but also in aid of prosecution," anang mambabatas.-- FRJ, GMA Integrated News