Nasawi ang anim na magkakaanak nang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Tondo, Maynila. Kabilang sa nasawi ang dalawang bata at isang buntis.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo, sinabing nangyari ang trahediya sa Camba extension St. sa Barangay 25 Zone 2 sa Tondo kaninang umaga.
Apat na palapag ang bahay na nasunog, at natagpuan ang mga biktima sa ikatlong palapag.
Ayon kay Richard Valisno, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay nang sumabog ang bumbilya at dumikit sa kurtina na pinagmulan ng apoy.
Kaagad daw na inilabas ni Valisno ang kaniyang ina at pinsan na nasa ground floor, at bumalik sa bahay para sumigaw upang gisingin ang iba pang kaanak na nasa ibang palapag.
Ngunit nang lumaki na ang apoy, kinailangan na niyang lumabas ng bahay.
Nagtamo ng sunog sa katawan ang isa niyang pinsan na binalot ng kumot ang sarili at sinuong ang apoy para makababa.
Ang tiyuhin naman niya na nasa ikaapat na palapag, sugatan din matapos na tumalon sa bubong ng kapitbahay para makaligtas.
Ayon sa Bureau of Fire Protection- Manila Fire District, umabot sa first alarm ang sunog at naapula ang apoy dakong 5:40 am.
Nasawi ang kapatid ni Valisno, ang kaniyang bayaw, mga pamangkin na edad dalawang taon, at anim na buwan, kaniyang pinsan na buntis at asawa nito.
"Mostly nandoon sila sa bedroom nila magkakasama sila roon except lang doon sa isang infant na nasa kabilang kuwarto," ayon kay Fire Inspector Ronald Lim. "Not totally burned [ang mga biktima], more on sa nakita namin suffocation."
Iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog pero nakita ng mga bumbero na nasa 2nd floor mayroong fire exit ang bahay. -- FRJ, GMA Integrated News