Kilala sa mga isinulat niyang hit series, pati na rin ang ilang mga kontrobersiyal na teleserye, inihayag ni Suzette Doctolero na nasanay na siya sa mga basher at hindi na siya takot sa cancel culture.
"Hindi ako takot ma-cancel, ma-bash, basta sasabihin ko kung ano ang opinyon ko, bakit, pakialam ba nila?" saad ni Doctolero, na head writer ngayon ng Kapuso hit series na "Pulang Araw."
"Kasi ayoko na magkaroon sila ng power over me, ayoko na matatakot ako sa kanila, 'Baka ma-cancel ako, baka ma-bash ako.' Ayoko nu'n, ayoko ng ganu'ng feeling," pagpapatuloy niya.
Ayon kay Doctolero, marami na siyang beses na nakaranas ng bashing sa matagal na niyang pagiging headwriter at creative consultant sa Kapuso Network.
"Pero kahit i-bash nila ako nakakatulog ako nang mahimbing sa gabi dahil mas importante sa akin na ramdam ko na hindi ako naaalisan ng kalayaan, lalo na sa freedom of expression. Hindi ako takot sa cancel culture o sa [bashing]. Ibinangga ko ang katawan ko riyan eh. At naramdaman ko kung paano laitin, kung paano tawagin ng 'Suzette pusit!' o tawagin ng kung anu-ano."
Binalikan ni Doctolero ang ilan niyang mga proyekto sa GMA-7 kung saan nakatanggap siya ng pambabatikos.
"Noong ginagawa ko ang My Husband's Lover before, kinansel (cancel) ako ng marami at tinatawag akong alagad ng demonyo or masusunog ako sa impiyerno. Noong nakipaglaban ako sa Alyas Robin Hood na ang daming nangba-bash na hindi pa pinapalabas ang show, sinasabi nila na kinopya siya sa isang Hollywood [product]," sabi niya.
Pinagbidahan nina Dennis Trillo, Tom Rodriguez at Carla Abellana, ang My Husband's Lover ay tungkol sa isang couple na nagpakasal ngunit itinatago ng lalaki na isa siyang miyembro ng LGBTQ community. Hanggang sa muling dumating sa kaniyang buhay ang dati niyang nobyo.
Ang Alyas Robin Hood naman, na pinagbidahan ni Dingdong Dantes, ay tungkol sa isang batang lalaki na pinagbintangan sa pagpaslang ng kaniyang ama. Nagawa niyang makatakas at hinanap ang hustisya at pinatunayang wala siyang sala sa mga akusasyon sa kaniya.
"Hindi ako takot kasi, ang lagi kong tinatanong sa sarili ko, hindi ako nagsisinungaling, totoo sa akin ito, paniniwala ko ito at may ipinaglalaban ako," sabi ni Doctolero.
"As long na may ipinaglalaban ako, then gagawin ko siya, kinakailangan ko siyang isulat," dagdag pa niya.
Ang Pulang Araw ay tungkol sa apat na magkakaibigan na sina Adelina (Barbie Forteza), Teresita (Sanya Lopez), Hiroshi (David Licauco), at Eduardo (Alden). Masusubukan ang kanilang mga pangarap, pagkakaibigan at katapatan sa pagdating ng giyera at pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas, na hahantong sa kanilang pagtuklas sa kanilang mga sarili at paghubog ng kanilang katatagan.
Ginagampanan naman ni Dennis ang pinaka-antagonist na si Colonel Yuta Saitoh, isang Japanese imperial army officer na may misyong sakupin ang Pilipinas. Gayunman, iibig siya kay Teresita.
Napapanood ang Pulang Araw sa GMA Prime ng 8 p.m. pagkatapos ng 24 Oras. —VBL, GMA Integrated News