Pagdating sa maiinit na usapin tungkol sa mga kilalang personalidad, inaabangan ng mga tao na maisalang ito sa panayam ng batikang TV host na si Boy Abunda. Pero bakit nga ba hanggang ngayon ay hindi pa niya nakakapanayam ang two-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo?
Bukod kasi sa kanyang karangalang naiuwi sa Pilipinas, nababalot din ng kontrobersiya ang relasyon niya sa kanyang inang si Angelica Yulo at kanilang pamilya.
Pagdating sa maiinit na usaping tulad nito, madalas ang inaabangan ng publiko ay ang panayam ng batikang TV host na si Boy Abunda.
Ngunit kapansin-pansin na hanggang ngayon ay hindi pa niya naiinterbyu nang one-on-one si Carlos sa alinman sa kanyang dalawang programa, ang daily showbiz talk show na Fast Talk With Boy Abunda at ang monthly special na My Mother, My Story.
Sa isang panayam kamakailan, sinabi ni Boy na sinubukan ng kanyang team na imbitahan si Carlos para makapanayam sa Fast Talk. Subalit hindi ito nangyari dahil sa conflict sa schedule.
Sa ngayon, tila ayaw rin muna ni Boy na piliting makakuha ng pagkakataong mainterbyu si Carlos, lalo na sa kontrobersiyang kinasasangkutan niya ngayon.
Katuwiran niya, “Napakahirap kasi kulang ako sa detalye. What we know is what we read. How much of that is really real? May mga reaksiyon tayo kasi nababantayan ko rin like all of you. Napapanood ko rin, lalo na 'yung umpisa--nag-post ang nanay ng 'Mabuhay ang Japan,' sumagot ang anak with Chloe in bed--lahat 'yan nakita ko. 'Yung mga sagutan, hindi ko na alam kung ano 'yung totoo at kung ano 'yung hindi. Sa parada, nandu'n ang tatay hanggang nag-change of heart na ang father, nag-iba na ang tono. So, katulad ng marami, I wanna know the truth, 'di ba? It's so hard to judge kasi limitado 'yung aking facts.”
Aminado si Boy na marahil iniisip din ng publiko na magiging biased siya dahil kilala siyang napakalapit sa kanyang yumaong ina.
Sabi niya, “Some people would say, 'Boy is not interested because maka-nanay.' Hindi naman. That's not fair.
“Maka-nanay naman talaga ako at naniniwala naman talaga ako… Napakapersonal nun, at sasabihin ko na, 'Walang gagawin ang nanay ko na hindi ko mapapatawad.' But that's me. I will not impose that on anyone.
“Do I know the story of Carlos and the mom? I don't… 'Yung dynamics nila, bakit ganun, even the brother and sister, iba 'yung pag-uusap nila.”
Hindi kaya naging mailap din si Carlos dahil kilala si Boy bilang maka-nanay?
Sagot ni Boy, “Hindi ko alam. Pero I would understand kasi sobra akong maka-nanay and I will not correct that and I will not apologize for that.
“Pero hindi ko sinasabi na lahat ng panahon tama ang nanay. I mean, that would be a disservice to what I do.”
Pag-uulit pa niya, “Wala akong detalye na alam niya na wala sa detalye na alam natin o alam ko. And I don't think that that details that I know are enough to make me issue a judgment.”
Bagamat nais niyang makakuha ng mga sagot sa mga katanungang kanyang naiisip, mas pipiliin daw muna ni Boy na humupa ang maiinit na palitan ng mga salita sa pagitan ni Yulo, kasama ang kanyang girlfriend na si Chloe San Jose, at kanyang pamilya.
Paliwanag ni Boy, “I can only pray, ito, totoo talaga, na sana ngayon na maganda-ganda na ang buhay ninyo, mag-usap. I don't know, maybe kailangang tumahimik muna. That's one of the reasons I told them na hangga't maaari huwag na muna tayo dumagdag sa ingay.”
Teleserye-like story
Samantala, bilang isang batikang talk show host, nahingan din siya ng kanyang opinyon tungkol sa pagiging interesado ng publiko sa sigalot na bumabalot sa pamilya ni Carlos.
Sagot niya, “Emosyunal tayo. This is a golden boy. This is a winner of two gold medals. And ito 'yung napapanood natin sa teleserye. Ito 'yung kuwento ng buhay natin, [parang] relasyon ni Rizal at ng kanyang ina, relasyon natin sa ating mga ina, ang ibig sabihin ng ina at ng anak sa atin, at ang halaga ng pamilya sa atin.
“So, ang ingredients ng relasyon ni Carlos at ng kanyang ina, lahat present doon. It's not just a story, it's the story of this country. That story is not copyrighted by Carlo and the mom. That's the story that we all know. That's the story that we all went through at one point in our lives.”
Sa huli, inihayag pa rin ni Boy ang kanyang interes na makausap si Carlos.
“Ako, I'd love to be able to do an interview with all of them. Siguro when tempers are down. Sana,” pagtatapos niya.
Samantala, ngayong Linggo, September 29, mapapanood ang panayam ni Boy sa Pinoy athlete na si EJ Obiena para sa My Mother, My Story.--Nherz Almo, Aimee Anoc/GMANetwork.com