Aksidente ang inabot ng isang lalaking nagtuloy-tuloy sa kaniyang pagpadyak kahit na nakababa na ang barrier sa mga riles dahil sa may paparating na tren sa Uttar Pradesh, India.

Sa isang video na mapapanood sa GMA News Feed, makikita ang pagdaan ng lalaki habang dala ang kaniyang padyak o rickshaw, habang tumatawid din ang iba pang pedestrian sa riles.

Ilang saglit pa, tumigil na ang mga kasalubong ng lalaki. Pero siya, nagtuloy-tuloy sa pagtawid hanggang sa maabutan na siya ng tren.

Tumilapon ang lalaki at napahiga sa gilid ng riles.

Nakaligtas naman ang lalaki pero nawasak ang kaniyang padyak, na hindi na nakita ang bakas sa bahagi ng riles kung saan ito nasagasaan.

Sa parehong lugar din nangyari ang tangkang pagsalba ng isang rider sa kaniyang motorsiklo na naipit sa riles at nahagip ng tren na mabilis ang takbo.--FRJ, GMA News