Ikinuwento ni "Maria," hindi niya tunay na pangalan, kung papaano niya nasaksihan ang pagbabagong anyo at naging pusa ng kaniyang tiyahin na umampon sa kaniya. Pag-amin niya, mayroon umano silang lahing aswang--na kaniyang tinakasan.

"Tito ko po ang nakapag-asawa ng aswang. Inampon po nila ako. Nakikita ko po kung paano po ang tita ko nagta-transform at saka tinuro po sa akin bago siya nawala," pahayag ni Maria sa programang "Dapat Alam Mo!"

Sinubukan ni Maria na magpalit umano ng anyo, pero hindi niya ito nagawa. Ayon sa kaniya, minsan nang naging hayop umano ang kaniyang tiyahin, at may kakayahan pang mag-teleport.

"Nakita ko po 'yung tita ko na nagiging pusa siya. Kapag nagta-transform siya [nagpapahid] siya ng langis. Kapag meron pong handaan ang tito, tita ko, minutes lang nandoon na, kaya nagugulat po ako kapag tinawag ang mama ko nandiyan na siya agad lumalapag," sabi ni Maria.

"Kapag umaalis 'yon, pag-uwi, sabi niya busog na siya. Hindi na siya kakain. Alam na namin na lumalayo siya, naghahanap ng makain niya sa labas."

Ayon kay Maria, binilinan siya ng kaniyang tiyahin na ilibing na lang ang banga sa lupa kung hindi niya itutuloy ang ipinamana sa kaniya na maging aswang.

Kuwento pa niya, nilalagyan ng kaniyang tiyahin ng langis ang banga, saka iinumin ang langis para magpalit ng anyo para maging pusa.

Pero hindi nais ni Maria na maging katulad ng kaniyang tiyahin kaya inilibing niya ang banga. Ngunit hindi natapos doon ang lagim sa kaniyang buhay.

Tatlong buwang buntis daw siya noon nang may dumalaw sa kaniyang aswang at lumapag sa kanilang bubungan.

"Alam ko na aswang 'yun dahil kabisado ko na kung ano 'yung mga galaw nila eh. Mga three months po 'yun pabalik-balik. Feeling ko po manananggal iyon," dagdag niya.

Nagpapahiwatig din umano ang mga aswang maging sa kaniyang panaginip.

"Napanaginipan ko po siya na nagagalit siya sa akin, bakit daw hindi ko tinupad, iyon lang daw ang maipamana niya sa akin para hindi kami apihin," sabi niya.

Para maputol ang koneksiyon sa kaniyang tiyahin, nagpasya si Maria na lumipat sa Maynila. Patay na raw kaniyang mga kamag-anak kaya palaisipan sa kaniya kung bakit nagpaparamdam pa rin ang mga aswang.

Pinuntahan naman ng paranormal researcher na si Ed Caluag si Maria upang alamin kung may katotohanan ang sinasabi nito.

Alamin sa buong ulat ang natuklasan ni Ed tungkol kay Maria, at kung magagawa niya kayang alisin ang umano'y pagiging lahing aswang nito. Panoorin ang video.--FRJ, GMA News