Isang 18-anyos na lalaking Grade 11 student sa Jaen, Nueva Ecija ang nasawi na hinihinalang sumailalim sa hazing.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ren Joseph Bayan.

Dakong 10:20 p.m. nitong Linggo nang magtungo sa Jaen Municipal Police Station ang tiyahin ng biktima para i-report ang sinapit ng kaniyang pamangkin.

Kuwento ng tiyahin, nagpaalam ang kaniyang pamangkin na sasailalim sa “final hazing” sa bayan ng San Leonardo na isasagawa ng isang fraternity group.

Batay umano sa ilang saksi, dinala ng mga suspek ang katawan ng biktima sa bahay nito sa Barangay San Pablo sa Jaen dakong 5 p.m.

Hiniling ng pulisya na isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima para malaman ang sanhi ng pagkamatay nito.

Sa Facebook post, ikinalungkot ng San Pablo National High School ang sinapit ng isa nilang mag-aaral.

“Lubos na ipinagdadalamhati ng komunidad ng San Pablo National High School ang pagpanaw ng isa sa ating mga mag-aaral na si REN JOSEPH BAYAN ng Grade 11-TVL,” saad sa post.

“Ipinaaabot ng SPNHS ang taos-pusong pakikiramay para sa kaniyang naiwang pamilya, gayundin ang marubdob na panalangin na makamit niya ang kapayapaan at kapahingahan kasama ang Poong Maykapal,” dagda pa nito.—mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News