Inihayag ng doktor at content creator na si Dr. Willie Ong na tatakbo siyang senador sa darating na May 2025 elections. Sa kabila ito ng pakikipaglaban niya sa cancer.
Sa Facebook Live nitong Lunes, sinabi ni Ong na ang misis niyang si Dr. Anna Liza ang maghahain ng kaniyang certificate of candidacy (COC) sa Commission on Elections.
“Magpa-file po ako for senator. I’ll be filing for senator on October 2, Wednesday. Nagawa ko na ‘yung papeles, na-notarize ko na…Si Doc Liza…siya magpa-file ng sa akin pero ako ang tatakbo,” pahayag niya.
Sinabi ni Ong na tatakbo siya bilang independent candidate at mangangampanya sa pamamagitan ng social media.
“I’ll do it the cleanest way. Hindi tayo connected sa admin, Duterte, opposition…Ako lang mag-isa, no one else. If they help me, thank you. Pag hindi, thank you. Wala akong utang, wala akong hinihigi…Walang kapalit,” paliwanag ni Ong.
Kamakailan lang, inilahad ni Ong ang pakikipaglaban niya sa cancer matapos na may makitang sarcoma sa kaniyang tiyan.
BASAHIN: Doc Willie Ong, may 'guilty feeling' sa pagpapagamot niya sa abroad
Sa isang panayam sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," inihayag ni Ong, nagpapagamot ngayon sa Singapore, ang pagkadismaya sa healthcare system sa bansa.
Aniya, posibleng namatay na siya kung nananatili siya sa Pilipinas dahil sa sobrang bagal ng healthcare system at pagproseso ng mga pagsusuri sa mga laboratoryo.
"Sabi ko, if the politicians are coming here, hindi ba kayo naaawa sa kababayan natin? Mayaman ka o mahirap, trapped ka in the Philippines. Palagay ko God's will 'to," saad niya.
Ayon kay Ong, ang resulta ng biopsy sa Singapore, kaagad nalalaman. Kumpara sa Pilipinas na inaabot ng isa o dalawang linggo. Sa loob ng dalawang araw, natapos na ang kaniyang PET scan, CT scan, 2D Echo, biopsy, at kaagad siyang nabigyan ng chemotherapy, na isa sa mga paraan sa pagkontra sa cancer cells.
"Sa Pilipinas, I have to wait one to weeks. Mahina ang Pilipinas, kahit Doc Willie Ong, patay ka pa rin. Papaano kung Juan dela Cruz ka? Kaya ako nagi-guilty," paliwanag niya.
Noong Eleksyon 2022, tumakbo si Ong bilang runningmate ng presidential candidate na si dating Manila Mayor Isko Moreno sa ilalim ng Aksyon Demokratiko party, pero pareho silang hindi pinalad na manalo.
Tumakbo na rin si Ong sa Senado noong 2019 ngunit nabigo rin siya.
Naging consultant si Ong ng Department of Health mula 2010 hanggang 2014. Nagtapos siya sa De La Salle University College of Medicine noong 1992, at nagkaroon ng Master sa Public Health degree mula sa University of the Philippines Manila noong 2002.
Magsisimula sa Martes, Oktubre 1, 2024, ang paghahain ng COC ng mga kakandidato sa Eleksyon 2025 na tatagal ng isang linggo.—mula sa ulat ni Sundy Locus/FRJ, GMA Integrated News