Kalaboso ang isang babae matapos siyang arestuhin ng mga pulis sa Brazil dahil sa panggogoyo umano sa sarili niyang ina. Kasabwat ang isang "psychic," sinasabing tinangay ng suspek ang mga painting ng biktima na mayroon daw "sumpa" at aabot sa $142 milyon ang halaga.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nabawi ng mga pulis sa suspek ang 16 na painting na ninakaw umano ng suspek na si Sabine Coll Boghici mula sa kaniyang ina na si Genevieve Boghici, 82-anyos.
Si Genevieve ay biyuda, at isang art collector ang namayapa niyang mister.
Kabilang umano sa mga painting na ninakaw ay tatlong orba ng iconic modernist painter na si Tarsila do Amaral, na aabot ng $138 milyon ang halaga.
Ayon sa mga pulis, nagsimula ang panloloko sa biktima noong 2020 nang lapitan si Genevieve ng isang nagpakilalang psychic tungkol sa nakikita nitong "imminent death" ng kaniyang anak na si Sabine.
Pinaniniwalaan na si Sabine mismo ang nagbigay ng kaniyang mga personal na impormasyon sa psychic kaya napaniwala at nag-aalala si Genevieve.
Mula noon ay nagpapadala umano ng pera ang biktima sa psychic bilang bayad para sa "spiritual treatment."
Kasabay nito, kinukuha rin ni Sabine at kaniyang kasabwat ang mga painting mula sa bahay ng biktima.
"The daughter (Sabine) and Rosa (Diana Rosa Aparecida Stanesco Vuletic) began to take the artwork from the (mother's) house, claiming that the painting was cursed with something negative, with negative energy that needed to be prayed over. So they took the old woman to see it, knowing that this was not true, but she could not refuse," paliwanag ng isang pulis.
Isang taon ang lumipas bago lumapit sa mga awtoridad ang biktima.
Pitong katao ang pinaghihinalaang sangkot sa panloloko ang nahaharap sa mga reklamong embezzlement, robbery, extortion, false imprisonment at criminal association. --Reuters/FRJ, GMA News