Dinadayo ng mga tao at inaalayan ang isang puno ng Cacao sa Zamboanga City matapos na lumitaw umano rito ang imahen ng Birheng Maria na nakapagpapagaling daw ng sakit.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na mapapanood din sa GMA News Feed, makikita ang pagsisindi ng kandila, paghaplos at pagpahid ng panyo sa naturang puno sa Barangay Talungatung.
Ang iba ay nag-alay din ng mga bulaklak at naglagay ng mga boteng may tubig at langis.
"Nagluluto ako ng saging. Tapos pag-ikot ko, nakita ko 'yung santo rito sa puno ng cacao. Tapos sabi ko sa isa kong anak, 'Tingnan mo nga kung santo ito.' Sagot niya 'Oo santo!'" sabi ng residenteng si Roselyn Ebol, ang unang nakakita sa imahen.
Karamihan sa mga unang dumayo sa puno ay may iniindang sakit, na tila himala raw na bumuti ang mga pakiramdam nang magpahid ng panyo o tubig at langis na ipinunas o itinabi sa puno.
"Mayroon iyang puno, may oil, nilagay ko rito. Pagkatapos ng ilang minuto, parang may tumulo rito sa paa ko, nakita ko, parang iyong mga tubig siguro nakalabas. Kanina hindi naman ganyan ang paa ko. Ngayon, nagaga-ganyan na. Galing pa ako sa Brgy. Talon-Talon. Kanina masakit 'yan, pero ngayon nakaganito na," sabi ni Noli Candido.
Halos isang linggo nang dinadagsa ng mga deboto mula sa iba't ibang lugar ang naturang puno.
Matapos ang mga paggalingg umano sa kanilang mga karamdaman, may mga tao ring umaasang makararanas din sila ng milagro kung malalapitan nila ang imahe.
Pero sinabi ng Our Lady of Mt. Carmel Parish, nakasasakop sa lugar kung saan nakita ang imahen, kailangan pa ng imbestigasyon bago nila ito maideklarang isang milagro.
"Anybody could claim a miracle or something then later on, [it turns] out to be just a natural phenomenon. So the first step is ang parish priest mag-iimbestiga. Pagkatapos ng imbestigasyon, kung sasabihin ng obispo na may pruweba [ng milagro], susuriin naman ito ng team ng theologians," sabi ni Rev. Msgt. Crisologo Manongas ng St. Ignatius of Loyola, Tetuan Parish. --FRJ, GMA News