Inaabangan ngayon ng netizens ang pakulo ng isang vlogger mula sa Davao City na nag-iiwan ng pera sa iba't ibang lugar sa Pilipinas. Kung sino ang makakakuha, kaniya na ang pera.
Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing Abril 2022 nang simulan ng vlogger na si Ricci Generoso ang "Money Hunt Game."
Napanood ni Ricci sa Tiktok ang money hunt challenge sa abroad kaya naisipan niya itong gayahin.
Para sa challenge, ilalagay ni Ricci sa papel ang mga P500 at P1,000 na pera at ibabalot sa duct tape. Matapos nito, iiwan niya ito sa isang lugar at ipo-post sa kaniyang Tiktok account para mag-unahan ang followers sa paghanap sa mga pera.
Para malaman ni Ricci kung sino ang follower na unang nakakuha, kailangan siyang i-tag ng follower sa video habang hawak ang pera.
"'Yung feeling na excited ka. I want to share that feeling sa followers ko. Kaya tuwang-tuwa kapag sini-share nila 'yung video nila tapos happy na happy sila na nakikita nila 'yung pera," sabi ni Ricci.
Bago nito, madalas daw makapulot ng pera sa kalsada si Ricci noong bata pa lamang siya At ang pinakamalaki niyang napulot ay P7,890 na nakalagay sa isang coin purse.
Hindi na ito naibalik ni Ricci dahil walang identification card ang coin purse.
"Financially uncapable po kami dati. Ibinibigay ko talaga sa parents ko. 'Yung mama ko at papa ko, happy sila kapag nakakakita ako ng pera. Kasi very timely lang talaga, may mga time na walang wala sila," aniya.
"Dapat maintindihan niyo na this is not a charity. This is a game to encourage on how to earn money, pagsikapan and learn how to save," paalala naman ni Ricci tungkol sa challenge. -- FRJ, GMA News