Mula sa likuran, sinunggaban ng isang unggoy ang isang bata na halos kasinglaki niya at kinaladkad sa Chongqing, China. Mabuti na lang na may isang lalaki na nakakita sa insidente.
Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, makikita ang tatlong-taong-gulang na batang babae na mag-isang naglalaro sa harapan ng kanilang bahay.
Maya-maya lang, isang unggoy ang sumulpot at dahan-dahan na lumapit sa batang nakatalikod sa kaniya. Kasunod nito at dinambahan na ng unggoy ang bata sa likuran.
Nang matumba ang bata, hinatak ng unggoy ang damit ng paslit at saka hinila palayo sa bahay.
Mabuti na lang at may isang lalaki na lumabas at nakita ang ginawang pagtangay ng unggoy sa bata.
Ayon sa lalaki, narinig siya ng iyak ng bata kaya lumabas siya ng bahay at nakita niyang kinaladkad na ng unggoy ang bata.
Hinabol niya ang unggoy at inagaw ang bata sa unggoy.
Ligtas at maayos na ang lagay ng bata na nagtamo lang ng bahagyang gasgas sa mukha.
Hinala ng mga awtoridad, maaring nanggaling ang unggoy sa bundok na 40-50 metro ang layo sa bahay. Hindi nila alam kung mag-isa lang ang hayop o may iba pa.
Hinanap ng mga pulis, forestry authorities at mga residente ang unggoy pero hindi nila ito nakita.
Para hindi na maulit ang insidente, pinaalalahan ng awtoridad ang mga tao na maging alisto at magpapatrolya na rin habang hinahanap ang unggoy. --FRJ, GMA News