Ang isa sa mga bugkos ng damit na nabili sa ukay-ukay ng isang reseller, hangad lang niyang maibenta ng P180. Pero laging gulat niya nang i-post niya ito sa social media at umabot sa P90,000 ang alok sa naturang damit.
Kamakailan lang, naging laman ng balita ang pag-aagawan ng mga reseller sa mga damit sa isang ukay-ukay store sa Davao Oriental.
Kuwento sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" ng ilang reseller, kapag sinuwerte kasi sa damit, puwedeng makakuha ng mga branded na secondhand na damit at naibebenta nila ito sa mas mataas na halaga.
Gaya halimbawa ng isang reseller na nakakuha ng ukay-ukay na damit na nabili niya sa halagang P75, at naibenta sa halagang P750.
Ang isang reseller naman, nakabili ng branded na damit sa ukay-ukay sa halagang P100, at naibenta niya sa puwesto sa halagang P3,500.
Pero kakaiba ang karanasan ni Shaira Earl Algara, reseller din ng mga damit na mula sa ukay-ukay sa Pontevedra, Negros Occidental. Dahil ang isang piraso ng damit na kasama sa bulto ng mga damit na nabili niya sa halagang P5,500, handang bilhin sa halagang P90,000.
Ang pambihirang t-shirt, manipis lang naman daw ang tela ay may nakaimprentang mukha ng isang lalaki na tila foreign celebrity at may nakasulat na "nuff respect."
May date din na nakalagay sa damit na 1992.
Nang ibenta na ni Shaira ang damit sa social media, hangad lang niyang maibenta iyon ng P180.
Pero nang simulan niya ang presyuhan sa P180, may mga nag-alok na bibilhin ito sa halagang P500, hanggang sa tumaas na sa P9,000, P17,000, at umabot ng P90,000.
"Nagulat po ako. Hindi ko inexpect na ganun pala ang halaga noon," saad niya.
Malaking tulong daw sa kaniyang pag-aaral, negosyo, at pamilya ang makapagbenta ng malaki sa kaniyang pantitinda ng ukay-ukay na damit.
Ngunit kahit may nag-alok ng P90,000, ibinenta ni Shaira ang damit sa kaniyang kaibigan sa halagang P17,000.
Sino nga ba ang lalaki sa naturang damit at anong mayroon dito para presyuhan ng ganoong kalaking halaga? Tunghayan ang buong kuwento sa episode ng "KMJS."
--FRJ, GMA News