Bukod sa well-milled rice na mabibili ng P40 per kilo sa ilang Kadiwa locations, maglulunsad pa ng bagong proyekto ang Department of Agriculture (DA) upang magbenta ng mas murang bigas ngayong Enero na nagkakahalaga ng P35-P38 bawat kilo.

Sa ngayon, nabibili ang P40 per kilo na bigas ng DA sa ilalim ng “Rice-for-All” program sa ilang Kadiwa store sa Metro Manila, kabilang sa MRT-3 (Ayala Avenue at North Avenue) at LRT-2 (Cubao at Recto) stations.

“Nagsimula tayo diyan, nagbenta tayo ng P45 per kilo naibaba iyan sa P43.00 at P42.00 at nito nga bago matapos ang taong 2024 ay naibaba pa iyan sa P40.00 per kilo,” pahayag ni DA Assistant Secretary at spokesperson Arnel de Mesa, sa Bagong Pilipinas Ngayon ng PTV.

“At ngayong taon na ito, this January ay ilulunsad naman, mas mababa pa ang presyo – between P38.00 to P39.00,[per kilo],” dagdag niya.

Nitong nakaraang linggo, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO), na nagkaroon na ng epekto sa merkado ang “Rice-for-All” program at nagsimula na ring ibaba ng mga rice retailer sa Metro Manila ang presyo ng ibinibenta nilang bigas.

Ayon kay De Mesa, ilulunsad nila “Sulit Rice” at “Nutri Rice” programs na sisimulan sa Metro Manila na magkakahalaga ng mula P35 hanggang P38 per kilo.

Ang "Sulit Rice" na “100% broken” ay magkakahalaga umano ng P35 hanggang P36 per kilo. Habang ang “Nutri Rice” naman na mas "healthy" na brown rice ay magkakahalaga ng P37 hanggang P38 per kilo, ayon kay De Mesa.

“Maganda pa naman ‘yung quality. Ang kaibahan lang talaga nito ay broken ang bigas na ito. ‘Yung ‘Nutri Rice’ naman ito ‘yung in between natin ng well-milled at saka yung tinatawag natin na brown rice. Maraming nutrients na natira ito,” paliwanag ni De Mesa.

Magiging abot kaya rin ang presyo sa “Rice for All” program kahit na magkaroon ng La Nina-- na inaasahang makakapekto sa anihan ng mga magsasaka sa unang yugto ng 2025 dahil sa mas maraming ulan.

“Yung P38 to P39 na presyo ng ‘Rice for All’ ay magsisimula na rin ngayong taon,” sabi ni De Mesa.—FRJ, GMA Integrated News