Umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril sa gitna ng kalsada sa Zamboanga City nang maka-engkuwentro ng isang pulis ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo na pinuntirya siyang ilikida noong bisperas ng Bagong Taon.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage sa Zone 1, Barangay Ayala, na nakatayo sa gilid ng kalsada ang nakasibilyang pulis na si Senior Master Sergeant Ryan Mariano noong hapon ng Martes.

Maya-maya lang, dumating ang isang motorsiklo na sakay ang dalawang suspek na kinilalang sina Haber Tating, at isang alyas Casmir.

Tumigil sila sa tapat ni Mariano at doon na nagsimulang umalingawngaw ang mga putok ng baril. Ang pulis, makikitang tumakbo papunta sa kabilang bahagi ng kalsada.

Kahit napaatras, nagawa pa rin ni Mariano na magpaputok ng baril hanggang sa tamaan niya ang isang suspek, at sunod naman nitong pinuntirya ang isa pa.

Sugatan si Mariano pero napatay niya ang dalawang suspek na pareho umanong wanted sa kasong pagpatay.

"Mayroong outstanding warrant of arrest si Haber Tating for two counts of murder and after the incident, we also found the outstanding warrant against Casmir also for murder," ayon kay Police Colonel Kimberly Molitas, Director Zamboanga City Police Office.

"So hindi nila puwedeng i-deny na may involvement yung kanilang mga members ng family that of Tating and Carmir kasi meron silang outstanding warrant and theses are cases involving them in shooting incidents not just here sa Zamboanga City pero sa Sibuco rin yung ibang case ni Casmir," dagdag ng opisyal.

Nagtamo ng tama ng bala sa tiyan si Mariano pero stable na umano ang lagay nito matapos maoperahan.

Ayon sa pulisya, naka-duty noon si Mariano at iba pang pulis bilang mga undercover operatives, at target na hulihin si Tating.

Posibleng namukhaan umano ng mga suspek si Mariano kaya pinuntirya ito ng dalawa na itumba pero nagawang makalaban ng pulis.

Sinusubukan pa na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng mga napatay na suspek, ayon sa ulat.

Panawagan naman ni Molitas sa publiko, "If there are any individuals na alam nila na nagmamay-ari ng baril or mga wanted person natin, give us the information, we will make sure that you are properly protected." --FRJ, GMA Integrated News