Sa pagsapit ng Bagong Taon, uusbong din ang bagong henerasyon na tinatawag na Generation Beta, na magsisimula ngayong 2025 hanggang 2039.

Sa ulat ni Mariz Umali nitong Huwebes sa “Unang Balita,” sinabing kasama sa batch ng Generation Beta ang mga sanggol na isinilang nitong Miyerkoles, Enero 1.

Sinabi ng social analyst at futurist na si Mark McCrindle na ang Gen Beta ang henerasyon na mabubuhay sa mundo na araw-araw nang gumagamit ng Artificial Intelligence (AI).

“Generation Beta will live in an era where AI and automation are fully embedded in everyday life - from education and workplaces to healthcare and entertainment,” sabi niya.

Ang mga magulang ng mga Gen Beta ang mga Millennial at Gen Z.

Bunga ng pagpapalaki ng mga Millennial at Gen Z, inaasahang magiging mas nakasentro ang mga Gen Beta sa pakikipag-kapuwa tao at pagtulong sa komunidad, ayon kay McCrindle.

“This generation will be raised by Millennial and older Gen Z parents, many of whom prioritize adaptability, equality, and eco-consciousness…Generation Beta being more globally minded, community-focused, and collaborative,” saad niya.

Dagdag ni McCrindle, maghihigpit ang mga Gen Z sa mga anak nilang Gen Beta sa paggamit ng screen gadgets.

“While many millennial parents used social media to document their children’s lives, Generation Z knows more about both the positives and challenges that come with social media use from a young age. Gen Z parents are more likely to strongly agree that limiting their child’s screen time is a high priority for them,” ayon kay McCrindle.

Matututo ang Gen Beta na gumamit ng modernong teknolohiya mula sa kanilang mga magulang, hindi lang sa pagpapadali ng buhay kundi sa paglutas sa mga hamon ng kanilang panahon.

“Gen Z sees the benefits of technology and screen time, but equally, they see the downsides of it and are pushing back on technology and the age at which their children access and engage with it,” sabi ni McCrindle.

Sa ulat ni Darlene Cay sa 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabing sinundan ng Gen Beta ang Generation Alpha, Generation Z, Millennials o Generation Y, Generation X, at ang Baby Boomers.

Kabilang sa mga Gen Beta si Alea Jade, na isinilang ng kaniyang inang si Lea Mae Razo eksaktong hatinggabi ng Enero 1, 2025 sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Maynila.

“Super happy po. Hindi ko ine-expect na manganganak ako sa eksaktong 12…Mahirap po talaga mag-labor, lahat ng sakit mararanasan mo. Pero kapag nakita mo na si baby, mawawala naman lahat kaya worth it,” sabi ni Razo.

Si Razo ay isa sa 13 na mga ina na nagsilang ng mga tinaguriang “New Year babies” sa ospital sa Maynila.

Sa Josefina Belmonte Duran Albay Provincial Hospital din Ligao, Albay, sinalubong ang unang pitong sanggol na isinilang dito para sa taon.

“Masaya kasi na-tiempo, kasi laging may handa kapag birthday,” saad ni Maria Cecilia Camacho, na nagsilang ng kaniyang anak na si Rochiel.

Si Julia Isidro, isang Generation Z, sumasang-ayon na maghihigpit siya sa screen time ng kaniyang unang anak.

“I reached more content than I should have at an early age. At the time, it was very easy. Right now, hindi naman sa parang I  will keep you contained na ito lang ang pwede…it’s more about educating them off screen,” sabi niya.

Pero inamin niyang nag-aalala siya sa kinabukasan na paglaki ng kaniyang anak lalo na sa panahon ng makabagong teknolohiya.

“With AI, yes, it has made life so much easier when it comes to creating things like putting words together and putting photos together. But at the same time, you don't even know what is real anymore,” dagdag niya. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News