Isang donut shop ang hinoldap ng dalawang lalaki na armado ng gunting sa Valenzuela City.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabi ni Police Colonel Ram Haveria Jr, hepe ng Valenzuela Police, na nagkunwaring kostumer ang mga salarin at umorder ng donut.

Pero nang hingan na ng pambayad, doon na umano naglabas ng gunting ang dalawa at nagdeklara ng holdap.

Kinuha nila ang cellphone, tablet, perang mahigit P10,000, at inorder na donut na nagkakahalaga ng P400 na hindi binayaran.

Matapos papasukin sa banyo ang bantay sa tindahan, tumakas na ang dalawa.

Ayon kay Haviera, may nakakilala sa isang suspek kaya pinuntahan ang bahay nito at nadakip.

Napag-alaman na 15-anyos lang ang naarestong suspek pero pinaghahanap pa ang kasama niya na 21-anyos.

Nabawi sa menor de edad na suspek ang tablet at donut, pero wala ang cellphone at pera. --FRJ, GMA News