Mula sa nakalalasing na inuming serbesa, pampasabog na Molotov cocktail muna ang ginagawa ng isang brewery sa Ukraine para ipagtanggol ang kanilang bansa laban sa Russia.
Sa ulat ng Reuters, makikita ang mga bote na ginawang pampasabog at nilagyan ng larawan ni Russian President Vladimir Putin at may nakasaad na: Putin Huilo, na ang ibig umanong sabihin ay “Putin is a d***head.”
Makikita sa video ang mga Ukrainian habang inihahanda ang kahong-kahong Molotov cocktail na ipinapadala umano nila sa mga kababayan nilang ipagtatanggol ang kanilang bansa laban sa tropa ng Russia.
Nauna nang hinikayat ng pamahalaan ng Ukraine ang kanilang mga kababayan na ipagtanggol ang kanilang bansa.
Mayroon ding nagpalabas sa telebisyon kung papaano gawin ang Molotov cocktails, o flammable liquid na inilalagay sa bote na may kasamang tela na nagsisilbing mitsa.
Ayon sa isang lalaki sa video, ipinapadala nila ang mga Molotov cocktail sa kanilang barikada sa Lviv, at may ipinapadala rin sila sa Kyiv.
Umaasa silang makararating doon ang mga Molotov matapos nilang malaman na pinasabog na rin ang tulay na papunta sa lugar.
"There should be no bloodshed but what they are doing now is beyond war," sabi ng lalaki patungkol sa pagsalakay ng Russia sa Ukraine na nasa ikalimang araw na.
"I have a lot of friends in other places and the stories they tell me are simply horrific. It is a horror that must be stop," patuloy niya.
Sinabi pa ng lalaki na mapipigilan ito hindi sa pamamagitan ng pagdanak ng marami pang dugo kung hindi sa pamamagitan lang ng salita.
--Reuters/FRJ, GMA News