Isinasailalim sa culling o kinailangang patayin ang mga hamster sa Hong Kong matapos na may mga magpositibo sa COVID-19 sa isang pet shop doon.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, mapapanood sa isang video ang pag-iikot ng health workers sa pet shop suot ang kanilang personal protective suits para isagawa ang mass culling sa mga hamster.
Pinangangambahan kasi ng kanilang health officials na kumalat ang COVID-19 dahil sa mga naturang hayop.
Isinailalim na rin sa quarantine ang mahigit 100 customer ng pet shop matapos magka-outbreak nang makasalamuha nila ang isang empleyado roon na nagpositibo sa coronavirus.
Sinabi ng mga eksperto na wala pang ebidensyang nagpapatunay na naipapasa nga ng mga hayop ang COVID-19 sa mga tao.
Nakatanggap ng batikos mula sa ilang taga-Hong Kong ang hakbang na ginawa ng kanilang gobyerno.
Maliban sa culling, ipinasara rin muna ang maraming pet shops, at suspendido ang pag-import at pagbebenta ng mga maliliit na mammal tulad ng hamster. --FRJ, GMA News