Kinaaliwan at hinangaan ng netizens ang mga aso sa isang viral video sa social media dahil makikitang tila nagdadasal ang mga alagang hayop bago kumain sa Imus, Cavite.
Sa kuha ng fur-daddy na si Fernando Bote Jr., makikita ang kaniyang mga alagang aspin na tila marunong makinig sa dasal.
Ayon kay Fernando, una niyang naturuang makinig sa pagdasal ang 3-year-old na si Barako habang nakahawak sa kaniyang braso at nakayuko. Kinalaunan ay natuto na rin ang iba pa niyang alaga.
Kompleto raw lagi ang mga ito mula sa kanilang nanay na si Diva, at mga anak na sina Cherry, Barako at ang mga tuta.
"Kada kakain po, habang ngdadasal po si Barako, naghihintay naman po ang iba at pakiwari ko ay nakikinig po sila," kuwento ni Fernando.
Paraan na rin daw nila ito bilang pasasalamat sa biyayang natatanggap, at kasama raw talaga lagi sa kanilang budget ang pagkain ng mga alagang aso.
"Sana po makapagbigay po kami ng inspirasyon sa lahat po ng mga fur-parents. Mahalin po natin kahit anong lahi pa ang ating mga alaga," dagdag niya.
--FRJ, GMA News