Timbog ang dalawang lalaki at isang babae dahil sa pagsikwat umano ng walong hamon de bola sa isang grocery store sa Tagudin, Ilocos Sur.
Ayon sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, isinilid umano ng dalawang suspek ang mga hamon sa isang bag at saka iniwan sa isang lugar.
Kasunod nito ay kinuha naman ng isa nilang kasabwat ang bag at dali-daling umalis ng tindahan nang hindi binabayaran ang mga hamon.
Hinabol ng mga kawani ng grocery store ang tatlo at nahuli.
Nang tingnan ang laman ng bag, lumitaw na bukod sa walong hamon ay mayroon pa itong 30 sachet ng mayonnaise at tissue paper.
Ayon sa pulisya, inamin umano ng mga suspek na bagong recruit lang sila sa naturang uri ng pagnanakaw.
Mayroon pa raw silang kasamahan na nasa van na galing sa Dagupan City, Pangasinan. Ibibenta raw ang mga nasikwat nilang produkto sa kanilang financer na mayroon din umanong tindahan.
Tukoy na raw ng pulisya ang pagkakakilanlan ng itinuturong financer ng grupo. --FRJ, GMA News