Para mapanatiling buhay ang alaala ng mga yumao nilang alaga, ilang fur parent ang ipinapa-taxidermy o ipina-preserba ang katawan ng hayop. Paano nga ba ito ginagawa, at magkano ang halaga?
Sa "On Record," sinabi ni Dr. Jason Abner Sumaway, may-ari ng PETeternity, na sa pamamagitan ng taxidermy, naibabalik ang hitsura ng mga alagang hayop sa anyo na tila buhay sila ulit.
"Ang nakikita lang namin dito is 'yung memories, kasi bago mamatay 'yung pet nila, nagkaroon nang malalim na affection. So kahit sabihin na lang natin na hindi na nagmu-move 'yung pet nila, gusto pa rin nila na nakikita nila," sabi ni Dr. Sumaway.
Pagkatanggap ng taxidermist sa katawan ng hayop, isasailalim ito sa initial at second treatment para maging stable ang balat sa balahibo nito.
Sunod nito, magkakaroon ng drying period ng dalawa hanggang tatlong buwan ang katawan ng hayop, bago ito isasailalim sa finishing.
Sa finishing, pinagaganda ang hitsura ng alagang hayop sa pamamagitan ng painting para magmukha silang buhay.
Tunghayan ang kuwento ni Liezel Ramos, na gumastos ng P12,400 para isailalim sa taxidermy ang alaga niyang aso na si Bon Bon, na pumanaw matapos ma-hit and run.
Paano kaya niya tinanggap na muling makapiling at nayakap si Bon Bon pero hindi na gumagalaw? Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News