Nasa 124 katao ang nasawi matapos lumapag ang isang eroplano nang walang gulong, nawalan ito ng kontrol sa runway at sumalpok sa pader na dahilan upang magliyab sa Muan International Airport sa South Korea nitong Linggo.

Sa ulat ng Reuters, sinabi ng Ministry of Transport ng South Korea, na galing ang Jeju Air flight 7C2216, mula sa Bangkok, Thailand, at may sakay na 181 katao. Nagtangka itong lumapag bandang 9 a.m. (0000 GMT) sa paliparan sa katimugang bahagi ng bansa.

Ito na ang itinuturing deadliest air accident na kinasasangkutan ng isang South Korean airline sa halos tatlong dekada, ayon sa mga datos ng ahensiya.

Makikita sa mga video mula sa lokal na media ang twin-engine na Boeing 737-800 na dumadausdos sa runway na walang nakikita landing gear bago bumangga sa isang pader at sumabog. May mga larawan din na nagpapakita ng usok at apoy na bumabalot sa ilang bahagi ng eroplano.

Ayon kay Muan fire chief Lee Jung-hyun, dalawang crew member-- isang lalaki at isang babae-- ang nailigtas mula sa tail section ng nasusunog na eroplano.

"Only the tail part retains a little bit of shape, and the rest of (the plane) looks almost impossible to recognize," ani Lee.

Mula sa rescue, nagsasagawa na ng recovery operation ang mga awtoridad para makuha ang mga labi ng biktima, dagdag ni Lee.

Ginagamot naman sa ospital ang dalawang crew member na nasagip na nagtamo ng medium to severe injuries, ayon sa pinuno ng local public health center.

Ayon sa Yonhap news agency, batay sa pahayag ng isang fire official, pinaniniwalaang nasawi ang karamihan sa 175 pasahero at anim na crew.

Ito na ang pinakamalubhang aksidente na kinasasangkutan ng isang South Korean airline mula noong 1997, nang bumagsak ang isang eroplano sa Guam na ikinasawi ng mahigit 200 katao, ayon sa datos ng Ministry of Transport.

Iimbestigahan kung may kinalaman ang bird strike o ang kondisyon ng panahon kaya nangyari ang trahediya, ayon kay Lee. Inihayag ng Yonhap, na batay sa pahayag ng mga awtoridad ng paliparan, maaaring nagkaproblema sa landing gear ng eroplano dahil sa bird strike.

Bago mangyari ang trahediya, nagbigay ng bird strike warning ang control tower, at ilang sandali pagkatapos nito, nagdeklara ng "mayday" ang mga piloto, ayon sa isang opisyal ng Ministry of Transport. Gayunman, hindi tinukoy kung may nangyaring bird strike sa flight.

Pagkaraan ng may isang minuto pagkatapos ng "mayday" call, nagtangkang lumapag ang eroplano at nangyari na ang nakagigimbal na tagpo.

Isang pasahero umano ng eroplano ang nakapag-text sa kamag-anak at sinabing may naipit na ibon sa pakpak ng eroplano, ayon sa News1 agency. Saad umano ng nag-text, "Should I say my last words?"

Kabilang sa mga pasahero ay dalawang Thai nationals habang South Koreans naman ang iba pa, ayon sa transportation ministry.

Taong 2009 nang ginawa ang Boeing 737-800 jet, na pinamamahalaan ng Jeju Air, sabi pa ng transport ministry.

Sa televised briefing, nakayukong humingi ng patawad si Jeju Air CEO Kim E-bae sa nangyaring trahediya

Sinabi niya na hindi pa alam ang sanhi ng aksidente, ngunit wala umanong record ng anumang insidente ang eroplano, at walang mga palatandaan ng pagkasira bago ang insidente.

Tiniyak ni Kim na makikipagtulungan ang airline sa isasagawang imbestigasyon at tutulungan ang mga naulila.--mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News