Sa loob ng maraming taon, walang tao na nangahas na pasukin ang sinkhole na tinatawag na "Well of Hell" sa Yemen dahil sa paniniwala na bilangguan ito ng mga diyablo at genie. Pero sa unang pagkakataon, napasok ng mga explorer kaloob-looban nito.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing maraming taon nang kinatatakutan ng mga Yemeni ang "Well of Barhout" o "Well of Hell," na matatagpuan malapit sa hangganan ng Oman sa disyerto ng Al-Mahra province.
Paniwala ng iba, milyun-milyong taon na ang tanda nito, at magsisilbi umanong bilangguan ng mga diyablo.
Ang iba naman, naniniwalang kulungan ito ng mga genie.
Ayon pa sa mga lokal, hinihigop ng sinkhole ang lahat ng tao o bagay na nasa paligid nito, at hindi rin ito pinapasok ng liwanag.
May ilan na ang nagtangkang pumasok sa loob ng "Well of Hell" sa mga nagdaang dekada, pero hindi sila umabot sa ilalim dahil wala na umanong oxygen doon.
Ngunit nitong Setyembre 21, naglakas-loob ang Oman Cave Exploration Team na pasukin ang naturang sinkhole dala ang mga makabagong kagamitan.
At sa loob, namangha sila sa kanilang nakita. Panoorin ang buong ulat sa video.
--FRJ, GMA News