Pinapangamahan na marami ang nasawi matapos na bumagsak sa Aktau, Kazakhstan ngayong Miyerkoles ang isang pasaherong eroplano na Embraer EMBR3 na may sakay na 62 pasahero at limang crew.
Sa ulat ng Reuters, sinabing galing sa Azerbaijan ang eroplano at patungong Russia nang mangyari ang trahediya.
Ayon sa Kazakh authorities, mayroong 28 na sakay ng eroplano ang nakaligtas.
Isang hindi pa beripikadong video ang nahuli-cam umano ang nangyaring insidente. Makikita ang eroplano na nagliyab matapos na magtangkang mag-emergency landing sa malawak na lupain.
May mga pasaherong duguan at sugatan ang makikita rin sa video.
Sa isang pahayag, sinabi ng emergency ministry ng Kazakhstan na naapula na ang apoy. Dinala umano sa ospital ang mga nakaligtas, kabilang ang dalawang bata.
Kinuha naman ang mga labi ng mga hindi nakaligtas sa trahediya.
Ayon sa mga awtoridad ng Kazakhstan, isang komisyon ang binuo upang imbestigahan ang insidente. Inatasan din ito na tiyakin na matutulungan ang mga pamilya ng mga nasawi at ang mga nasugatan.
Makikipagtulungan din ang Kazakhstan sa Azerbaijan sa gagawing imbestigasyon, ayon pa sa pahayag.
Ayon sa aviation watchdog ng Russia sa inilabas na pahayag, na batay sa mga paunang impormasyon, na nagdesisyon ang piloto na magsagawa ng emergency landing matapos silang tamaan ng ibon o bird strike. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News