Mistulang kaisa ng mga Pinoy sa pagdiriwang ng Pasko ang American singer, songwriter, record producer, na si Mariah Carey.

Sa "X" na dating Twitter, binati ni Mariah ng maligayang Pasko ang kaniyang "Filipino lambily."

"Merry Christmas to my festive Filipino lambily!"saad niya sa caption nang irepost niya ang video ng Sony Music Philippines na nagpakita ng isang Filipino community choir na kumakanta ng kaniyang sikat na awit na pamasko na “All I Want For Christmas Is You,” sa isang mall sa Pasay City.

 



Nitong nakaraang Setyembre, nakisali si Mariah sa mga Filipino lambs sa maagang pagdiriwang ng Pasko, at nagbahagi ng isang site na nakalaan para sa Pilipinas, na may mga link na maaaring pakinggan ng fans ang kaniyang kanta na “All I Want For Christmas Is You.”

Noong nakaraang taon, tumaas ang bilang ng streams ng awit ni Mariah sa Spotify at sinabi niya na, “I’ll allow it for my Filipino lambs.”

Tinatayang mahigit 2 billion streams na sa naturang streaming platform ang kanta niyang “All I Want For Christmas Is You.” -- FRJ, GMA Integrated News