Matinding hinagpis ang nararamdaman ng isang anak matapos barilin at patayin ng kanila umanong kapitbahay ang kaniyang ama sa Tondo, Manila. Ibibili raw sana niya ng bagong damit ang ama ngayong Pasko pero sa halip, barong-tagalog ang ibinili rito.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, makikita sa video footage ang suspek na lalaki na tumatakbo matapos umanong gawin ang krimen.
Sa isa pang video, buhat na ng ilang lalaki ang biktima para isugod sa ospital pero hindi na siya umabot nang buhay.
Nangyari ang krimen nitong bisperas ng Pasko kaya labis lalo ang hinanakit ng pamilya ng biktima.
"Magpapasko, bibilhan ko ng damit 'yan eh. Ang nabili ko sa tatay ko barong [tagalog]. Ang sakit no'n maam," umiiyak na pahayag ni Angelica dela Cruz, anak ng biktima.
Wala umanong alam na dahilan ang pamilya kung bakit pinaslang ng suspek ang biktima.
Nahuli naman kinalaunan ang suspek na hindi nagbigay ng pahayag. -- FRJ, GMA Integrated News