Kalunos-lunos ang sinapit ng isang lalaking angkas sa motorsiklo na naputulan ng ulo nang tamaan siya ng nabigtas na kable na sumabit naman sa truck na nasa unahan nila sa Gingoog City, Misamis Oriental.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV News nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang trahediya noong gabi ng Lunes sa Barangay Agay-ayan.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na Indian national ang biktima na nakaangkas sa motorsiklo.
Isang kable umano ang napigtas nang sumabit sa truck at tumama sa leeg ng biktima na dahilan para mapugutan siya.
Humandusay sa kalsada ang katawan ng biktima at nakahiwalay ang ulo.
Tumakas ang driver ng truck na patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan.
Maghahanap din ng CCTV camera sa lugar ang mga pulis na posibleng nakakuha sa insidente na makatutulong sa imbestigasyon.
Ayon kay Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) Spokesperson Police Major Joann Navarro, hindi pa nila tukoy ang pagkakakilanlan ng driver ng truck.
"Unfortunately sa ngayon hindi pa natin na-identify ang wing van kasi kahit ang rider ng motorsiklo hindi niya ma-identify dahil ang area madilim at malakas ang ulan [nang mangyari ang insidente," sabi ni Navarro. --FRJ, GMA Integrated News