ATIMONAN, Quezon - Isang butanding ang aksidenteng nalambat ng mga mangingisda sa karagatang sakop ng Barangay Angeles sa Atimonan, Quezon pasado alas-diyes ng umaga nitong Lunes.
Agad na pinagkaguluhan ng mga residente na naninirahan sa tabi ng dagat ang butanding na nasa mababaw lang na bahagi ng tubig.
Ayon sa Sangguniang Kabataan chairman sa lugar na siyang kumuha ng video, nang malaman niya na mayroong nahuling butanding ay agad siyang nagtungo sa lugar. Naabutan niya ang mga kabataan na pinagkakaguluhan ang butanding.
Agad daw niyang kinausap ang mga batang naglalaro at sumasakay sa butanding na layuan ito upang hindi ito ma-stress.
Nagtulong-tulong ang mga mangingisda na alisin sa lambat ang butanding at itaboy ito patungo sa malalim na bahagi ng dagat.
Ayon pa sa SK chairman, wala naman silang nakitang sugat sa butanding na tinatayang may habang anim hanggang pitong metro.
Hindi raw ito ang unang pagkakataon na may napadpad na butanding sa kanilang lugar.
Patuloy ngayon ang ginagawang monitoring ng Philippine Coast Guard sa lugar upang matiyak na hindi na lalapit sa tabi ng dagat ang butanding.
Ayon sa mga eksperto, malinis, sagana sa isda o maayos ang marine biodervisity sa lugar, dahilan para puntahan ito ng butanding. —KG, GMA News