Nabulabog ang mga magkakapitbahay sa isang barangay sa Pagadian City nang makita nila ang isang malaking sawa na nakabitin sa kisame at may nakaipit na patay na manok na pula.
Sa ulat ng GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Huwebes, sinabi ni Rommel Baylon ng Purok Sandayong sa Sto NiƱo, Pagadian City, na patulog na sila noong Lunes ng gabi nang madinig ang walang tigil na pagtahol ng mga aso.
Nang hanapin nila kung ano ang tinatahulan ng aso, nakita nila ang isang sawa na nakabitin sa kisame at may nakaipit na manok.
Patay na ang manok nang makuha at naging mahigpit din ang pagkakapulupot ng sawa sa kisame.
Plano ni Baylon na ibigay ang sawa sa mga awtoridad na tinatayang nasa walong talampakan ang haba.
Sa General Santos City, humingi naman ng tulong sa mga awtoridad ang isang residente sa Zone 9, Barangay Bula, nang may makita siyang ahas na nakasiksik sa electrical wiring ng junction box sa kisame.
Dinala ang ahas na isang uri ng Phillipine rat snake sa City Environment & Natural Resources Office.--FRJ, GMA News