Gamit ang drum ng tubig at mga ni-recycle na bakal, nakabuo ang tila mini owner-type jeepney ang isang magbabalut at nangangalakal para may magamit siyang sasakyan sa pagkayod ngayong may pandemya.
Sa video ng All About Wheels Manila, na mapapanood sa GMA News Feed, makikita ang binuong sasakyan ni Rolando Barrientos, na mula sa Parada, Valenzuela City.
Naapektuhan ang kabuhayan ni Rolando ngayong pandemya dahil naging pahirapan ang transportasyon.
Dahil dito, naisip ni Mang Rolando na gumawa ng sarili niyang sasakyan para patuloy na makapagtrabaho.
"May drum ako na pakalat-kalat dito sa labas na pinaglalagyan ko ng mga kalakal na pinag-iipunan. Hanggang sa naisip ko, ito na lang kaya ang gagawin kong sasakyan?" sabi ni Rolando.
Walang background sa paggawa ng sasakyan si Mang Rolando. Puhunan lang niya ang lakas ng loob at mga bakal na nakuha niya mula sa pangangalakal.
Para buuin ang jeep, gumamit siya ng gulong ng sirang electronic bikes, habang galing naman sa junk shop ng multicabs ang propeller, molye at iba pang motor parts.
Ginamit na kaha ni Rolando ang bakal na drum ng tubig, samantalang nagsilbing windshield ang screen ng sirang LED TV.
Humingi ng tulong si Rolando sa mga kaibigan para mapabilis ang pagbuo sa sasakyan, at unti-unting pinag-ipunan ang stainless na bakal na dagdag sa kaha ng sasakyan.
"Sa pag-iipon ko po nang kaunti-kaunti kung may sobra po akong budget para sa pamilya ko, bumibili po ako ng paunti-unting materyales. Kung ano lang po 'yung abutin ng pera ko, kung ano lang po ang mabibili ko. Lakas loob ko na lang po talaga kinaya," ayon kay Rolando. --FRJ, GMA News