Isang lalaki na pasakay sana ng bus ang naipit at pumailalim sa pagitan ng dalawangdambuhalang bus sa India. Makaligtas kaya siya? Alamin.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang berdeng bus na tumigil at kaagad na lumapit ang lalaking biktima para sana sumakay sa Tamil Nadu, India.

Pero biglang may sumulpot na isa pang bus na kulay asul at naipit sa pagitan ng dalawang bus ang lalaki hanggang sa pumailalim na.

Sa kabutihang-palad, hindi nagulungan ang lalaki na diretsong nakadapa ang puwesto sa kalsada.

Nagawa rin niyang makabangon nang paupo bago tuluyang tumayo at naglakad papunta sa gilid.

Umalalay din sa kaniya ang ibang motorista.

Ang mga pasahero ng berdeng bus na sasakyan sana ng lalaki, kinompronta naman ang driver nang gumitgit na kulay asul na bus.

Ang asul na bus ang sinisisi nilang may kasalanan sa nangyari dahil nag-overtake umano ito at mabilis ang takbo.

Napag-alaman na pag-aari ng gobyerno ang kumpanya ng asul na bus na muntik nang makadisgrasya sa lalaki.

Panawagan ng ilang nakapanood sa video na naging viral, dapat parusahan ng kompanya ang driver ng asul na bus. -- FRJ, GMA Integrated News