Sumuko si Rufa Mae Quinto nitong Miyerkoles sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng kinahaharap niyang kaso kasunod ng warrant of arrest na inilabas sa kaniya ng isang korte sa Pasay.
Balik-bansa si Rufa Mae sakay ng isang Philippine Airlines flight mula San Francisco, California sa U.S. kasama ang kaniyang pamilya. Lumapag ang kaniyang eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Parañaque City pasado 5 a.m.
Ayon kay NAIA - NBI Chief Jimmy De Leon, nakipag-ugnayan ang abogado ni Rufa Mae sa NBI para sa kaniyang boluntaryong pagsuko.
Sumailalim si Rufa sa medico-legal examination bago dalhin sa korte sa Pasay.
Nahaharap si Rufa sa isang kaso kaugnay ng isyu sa Dermacare, ang kumpanya na sangkot din sa pag-aresto sa actress-entrepreneur na si Neri Naig.
READ | Explainer: The legal woes of Neri Naig
READ | Neri Naig arrest: SEC gives more details on case
Ayon kay abogado ni Rufa Mae na si Mary Louise Reyes, kinasuhan ang kaniyang kliyente ng 14 count ng paglabag sa Section 8 ng Securities Regulation Code, na isinasaad na ang securities gaya ng shares at mga investment ay hindi maaaring ibenta sa Pilipinas nang walang registration statement na isinumite at inaprubahan ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Nilinaw naman ng abogado ni Quinto na hindi siya nahaharap sa large-scale estafa.
"She will face those charges... mag-voluntary surrender siya and magpo-post po kami ng bail for that. She's worried kasi hindi naman totoo 'yung allegations kasi my client po is just a brand ambassador, a model-endorser," sabi ni Reyes.
"Ni hindi sa kanya nakapagbayad ng downpayment, tapos 'yung mga tseke po puro tumalbog. Lahat po 'yan hawak po namin 'yung ebidensya, ipe-present namin sa court," dagdag niya.
Noong Setyembre 2023, naglabas ang SEC ng advisory tungkol sa Dermacare-Beyond Skin Care Solutions, na nagsasabi na hindi awtorisado ang kumpanya na humingi ng mga investment dahil hindi sila rehistrado at walang lisensya para magbenta ng securities.
Sa parehong advisory, sinabi ng komisyon na maaaring kasuhan ang mga salesman, broker, dealer, ahente, promoter, influencer, at endorser ng Dermacare.
Nauna na ring itinanggi ni Rufa Mae ang mga paratang sa kaniya.
"I have no connection whatsoever to any fraudulent activity and I categorically deny these baseless accusations. If anything, I am also a victim and I am determined to seek justice," saad ni Rufa sa isang pahayag.
"It is dejecting to see my name being dragged through the mud, but I remain steadfast and confident that the truth will soon prevail," dagdag pa ng aktres. — VDV, GMA Integrated News