Kinumpirma ni Kai Sotto na napunit ang kaniyang anterior cruciate ligament (ACL) sa kanilang laro nang matalo ang  Koshigaya sa Mikawa sa Japan B. League nitong weekend. Dahil sa injury, malaki ang posibilidad na hindi siya makapaglaro sa Gilas Pilipinas na sasabak sa third and final window ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers sa susunod na buwan.

Ibinahagi ng 22-anyos na 7-foot-3 basketball star ang tinamo niyang pinsala sa bahagi ng tuhod sa kaniyang Instagram post nitong Miyerkules.

"The worst way to start the year, might be the darkest day of my basketball career, when I was told I tore my ACL," ani Sotto. "Tough to let this one sink in."

Dahil sa injury na kinakailangan ng ilang buwan na pahinga, malaki ang posibilidad na hindi makapaglaro si Sotto sa Gilas Pilipinas para sa third and final window ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers sa darating na Pebrero.

Makakaharap ng mga Pinoy sa naturang kompetisyon ang koponan ng Chinese Taipei at New Zealand.

Nasa injuiry list si Sotto ng Koshigaya, at hindi rin makakasama sa B. League Asia rising Star Games na gaganapin sa January 18.

"I appreciate all the love and support everyone has given me these past few days. I know God has a better plan for me and we just have to keep going," saad ni Sotto.

 

 

Sa nagdaang panayam, sinabi ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na nais niyang mapanatili ang komposisyon ng team na sumabak sa nakaraang window ng FIBA Asia Cup Qualifiers, kung saan kasama si Sotto.— mula sa ulat ni Bea Micaller/FRJ, GMA Integrated News