Dahil sa paniniwala na "aswang" ang nasa likod ng pagkawala ng isang batang lalaki, gumawa ng ingay tulad ng pagkalampag sa kaldero ang ilang residente sa isang barangay sa Iloilo. At sa pamamagitan ng isang babaeng sinaniban daw ng kaluluwa, itinuro nito kung nasaan daw ang bata.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Lunes, ikinuwento ng inang si Stepanie, na June 20 nang maglaro lang sa labas ng kanilang bahay ang kaniyang dalawang-taong-gulang na anak na si Shemark.
Nang araw ding iyon, inutusan naman daw niya ang kaibigang babae na kasama sa bahay na bumili sa tindahan.
Ngunit bumalik na ang kaniyang kaibigan, pero hindi pa rin umuuwi si Shemark. Kaya naman naghanap na sila hanggang sa abutin ng gabi.
Paniwala ng mga "manggagamot" sa lugar, aswang ang kumuha sa bata kaya gumawa ng ingay ang mga tao dahil sa paniwawala na naapektuhan ng ingay ang kilos ng mga aswang.
Kung saan-saan na nila hinanap si Shemark pero hindi nila nakita ang bata.
At habang nagkakagulo ang mga tao, may nagpayo naman sa ama ni Shemark na silipin ang poso-negro o septic tank sa tabi ng kanilang bahay.
Duda man ang ama ni Shemark na mapupunta doon ang anak dahil may takip ito na makapal na semento, sinilip pa rin nila ang loob nito at wala silang nakita.
Kaya nagpatuloy ang paghahanap ng mga tao sa iba pang lugar at nagsiga pa sila upang makita umano ng bata ang liwanag dahil madilim na.
Habang nagkakagulo sa paghahanap, isang babae naman ang umano'y sinaniban. Isang babae raw ang nakita niyang kasama ni Shemark at sinabing makikita ang bata malapit lang sa kanilang bahay.
Kaya naman naghanap muli ang pamilya sa loob at labas ng bahay, hanggang sa balikan na ang septic tank at doon na nakita si Shemark.
Makaligtas kaya si Shemark at paano siya napunta sa septic tank gayung nang una nilang tingnan ito ay wala naman doon ang bata? Sinadya ba o aksidente ang nangyari? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News