Agaw-pansin ang ilang kotse sa Egypt na nakikitang umaarangkada sa dagat sa halip na sa lupa.
Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, sinabing ang naturang kotse ay imbensiyon ni Karim Amin at dalawa pa niyang kaibigan.
Hitsurang kotse talaga ang sasakyan na mayroon pang apat na gulong pero mala-jetski talaga ang pagkakagawa nito.
Mga lokal materyal lang daw ang gamit nina Amin sa paggawa ng kotseng pantubig, at tanging ang makina nito ang imported na galing sa Japan.
Mula nang ipakita nila ang sasakyan, marami na umano ang umorder at mayroon na silang 12 unit na nagawa.
Tumatagal daw ng tatlong linggo ang paggawa ng isang unit na nagkakahalaga ng mula mahigit $19,000 hanggang $44,000 o katumabas ng nasa mahigit P900,000 hanggang P2.1 milyon.
Plano raw nila Amin na i-develop ang sasakyan na puwede ring mapaandar sa lupa at i-export sa ibang bansa.--FRJ, GMA News