Kahanga-hanga ang katangian ng ibang uri ng ahas. May ahas na nagkakaanak na hindi dumaan sa pagiging itlog, at mayroon din kayang mabuntis nang mag-isa lang o kahit walang partner.
Taliwas sa kadalasang iniisip ng mga tao na nagsisimula sa pagiging itlog ang isang baby na ahas, sa programang "Born To Be Wild," ipinakita ang isang uri ng ahas na "viviparous" o "live birth" kung magsilang ng anak.
Kabilang sa mga anak na "viviparous" ay ang vine snake.
Sa programa, ipinakita ang video na kuha ni Jhon Christian Reyes, habang nanganganak ang vine snake na kaniyang sinagip sa Pitogo, Quezon.
Sa halip na patayin, pinili ni Reyes na alagaan ang inang ahas na nakita niya sa kanilang bakuran habang nagpapatuka ng manok.
Nagulat daw si Reyes nang makita niyang buhay at buong ahas na ang iniluwal ng vine snake at hindi na dumaan sa pagiging itlog at saka pipisain.
Sa tulong ni Dr. Nielsen Donato na host ng programa, pinakawalan sa wild ang inang ahas at walo nitong anak dahil mayroon umanong mahalagang ginagampanan sa ecosystem ang mga ahas.
Sa Calamba, Laguna naman, mag-isa lang o walang kapares ang isang sinagip na reticulated python o sawa na nakakulong sa hawla.
Kaya laking gulat ng nagbabantay sa ahas nang mapansin nilang bigla itong mangitlog kahit wala namang kasama.
Parthenogenesis o unisexual reproduction ang tawag sa proseso na ito.
Nang ilawan sa madilim na lugar gamit ang flashlight ang itlog, nakita na may mga ugat ito, na indikasyon ng fertile ang itlog.
Paliwanag ni Dr. Donato, ang Parthenogenesis ay ginagawa ng ilang hayop bilang bahagi ng kanilang survival para hindi maubos ang kanilang lahi.
Gayunman, mayroon din hindi magandang naidudulot ang Parthenogenesis dahil parang kino-clone ng ahas ang kaniyang sarili.
Dahil dito humihina ang genetic biodiversity at may posibilidad na hindi natutuloy ang pag-incubate sa kanilang mga itlog kaya nagkakaroon ng abnormality sa kaniyang anak.
Mabuhay kaya ang mga itlog ng python na inihanda sa isang artificial box? Panoorin ang nakamamanghang katangian ng mga ahas sa video ng ito ng "Born To Be Wild."
--FRJ, GMA News