Nauwi sa pananapak ang ginawang pagsita ng flight attendant sa isang babaeng pasahero sa eroplano na hindi tama ang pagsusuot ng face mask sa Amerika. Ang flight attendant, natanggalan ng ngipin nang sapakin ng pasahero.
Sa videong kuha ng saksing pasahero na si Michelle Manner, na mapapanood sa GMA News Feed ang ginawang pananapak ni Vyvianna Quinonez, 28-anyos, sa flight attendant sa loob ng eroplano na nanggaling sa Sacramento at paputang San Diego.
Bago nito, nagkaroon muna ng komosyon sa pagitan nina Quinonez at ng flight attendant sa bandang likod ng eroplano dahil ipinasusuot nang maayos ng flight attendant ang face mask ni Quinonez.
Kahit suot na ni Quinonez ang kaniyang face mask, hindi naman nito natatakpan ang kaniyang ilong.
Sa halip na sumunod, doon na nagsimulang magalit ang pasahero at biglang sinapak ang flight attendant.
Natigil lamang si Quinonez nang may umawat nang isang lalaki.
Sinabi ng mga awtoridad na natanggalan ng dalawang ngipin at nagtamo ng minor physical injuries ang flight attendant.
"The passenger repeatedly ignored standard in-flight instructions and became verbally and physically abusive upon landing. We do not condone or tolerate verbal or physical abuse of our flight crews, who are responsible for the safety of our passengers," ayon sa pahayag ng Southwest Airlines.
Dinala ang flight attendant sa ospital habang idiniretso si Quinonez sa pulisya.
Nahaharap ang pasahero sa kasong federal battery, at banned na rin siya sa lahat ng flights ng Southwest Airlines.--FRJ, GMA News