Dinagsa ng mga tao ang KwaHlathi village sa South Africa para maghukay ng puting bato na pinaniniwalaan nilang diyamante. Pero tunay nga kayang diyamante at hindi karaniwang crystal lang ang kanilang nakukuha.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing dinagsa ng mga tao ang lugar na nagbabakasakaling makakuha sila ng pinaniniwalaang diyamante na mag-aahon sa kanila sa kahirapan.

Nasa naturang lugar kasi ang mga itinuturing na pinakamahirap na komunidad sa South Africa bunga ng kawalan ng maayos na hanapbuhay.

Isang nagpapastol ng mga hayop ang una umanong nakakuha ng puting bato na pinaniniwalaan na diyamante at mabilis na kumalat ang balita.

Ang mga tao, kaniya-kaniyang hukay kahit pa may mga nagdududa kung diyamante ba talaga ang mga nahuhukay na makintab na puting bato.

Pero may mga nagdududa kung diyamante talaga ang mga nakukuhang puting bato ng mga tao

Ang kanilang gobyerno, naniniwala na posibleng ordinaryong crytals lang ang mga bato at hindi kalakihan ang halaga.

Nagpadala na ng mga eksperto ang mines department sa lugar para masuri ang mga bato.

Nanawagan din ang kanilang gobyerno na umalis muna ang mga tao sa lugar habang isinasagawa ang pagsusuri upang maiwasan din ang hawahan ng COVID-19.

Gayunman, kahit wala pang opisyal na pahayag kung ano ba talaga ang mga nahuhukay na bato, may mga tao nang ibinebenta ang kanilang nahukay na mula 100 hanggang 300 rand o katumbas ng mahigit P300 hangang P1,000.--FRJ, GMA News