Inulan ng batikos ang isang TV show sa Iraq dahil sa ginawang pag-prank sa isang aktres na ilang beses hinimatay matapos na kunwaring binihag ng teroristang grupo na Islamic State (IS).
Sa video na makikita sa GMA News Feed, sinabing pinalabas na kunwaring bibisita lang ang aktres na si Nessma sa isang pamilya na lumikas sa kaguluhan sa Baghdad.
Pero habang kausap ang binisitang pamilya, nagkaroon ng mga pasabog at putok ng baril. Kasunod nito ay kunwaring lumusob ang mga tauhan ng IS at binihag ang aktres.
Matapos magsisigaw, nawalan ng malay si Nessma kaya kinailangan siyang buhusan ng tubig. Pero hindi pa rin kaagad ipinaalam sa kaniya na prank lang ang lahat.
Nawalan muli siya ng malay nang ilabas na sa bahay at kahit sinabi na sa kaniya na prank lang ang lahat ay patuloy sa pagsigaw ang aktres.
Inulan ng batikos ang TV show dahil sa ginawa sa aktres na nagkaroon umano ng trauma.
Paliwanag naman ng producer ng TV show, nais lang niyang ipakita ang pinagdadaanan ng mga biktima ng IS. Kasabay nito ang panawagan niyang pag-ibayuhin pa ang kampanya laban sa teroristang grupo.
Gayunman, marami pa rin ang hindi kontento sa paliwanag ng producer na nais na alisin sa ere ang naturang TV show. --FRJ, GMA News